Ang sarap sa pakiramdam ng umaga. Nararamdaman na lang namin ni mama na umaga na naman, ‘yung hangin, ‘yung lamig, ‘yung amoy. Tapos ayun, umaga na naman!
Hindi lang pala basta umaga dahil birthday ko ngayon!
Inihanda na ni mama ang pampasok ko kagabi pa lang. Plantsado ‘yon. Kahit inaantok na s’ya kagabi, pinlantsa niya pa rin ‘yon bago matulog. Syempre, hindi pwedeng gusot ang damit ko, birthday ko kaya ngayon.
Sasabihin ko kela Kay-kay, Ging-ging, at ang bestfriend kong si Jeng-jeng na birthday ko ngayon. Sila kasi ang kasama ko palagi, para na nga kaming tropa. Si mama naman ay papasok sa trabaho. Ang sipag talaga ni mama, birthday ko na nga, magtatrabaho pa siya?
Dahil birthday ko ngayon, saan kaya kami kakain mamaya? Sa Jollibee kaya? Sana may pera si mama. Gusto ko kasing pakainin ‘yung mga kaibigan ko. Tsaka gusto ko rin ng ispageti. Si Jeng-jeng kasi nagpakain siya sa school nung birthday nya, ang sarap ng ispageti nila. Gawa raw ‘yun ng mama n’ya eh. Sana ngayong birthday ko rin!
Kaya para magsimula ang magandang araw ngayong birthday ko, kailangan na naming bumangon sa kama, maligo, magbihis, mag-umagahan, at magdasal bago umalis ng bahay. ‘Yon kasi ang turo ni mama, dapat nagdadasal bago umalis ng bahay, lalo na ngayong birthday ko!
“Papa Jesus, sana po maging masaya kami ngayong araw ni mama. Papa Jesus, birthday ko po ngayon. Tsaka po sana ma-perpek ko ‘yung exam naming para matuwa siya sa’kin. Love ko po si mama, Love you Papa Jesus.”
Naglakad na kami paalis ng bahay, sinarado na ni mama ang pinto. Hawak-hawak ko ang kamay ni mama, hindi ko mahawakan ng buo kasi maliit pa lang ‘yung kamay ko. Tsaka medyo mahirap hawakan ‘yun kamay ni mama. Magaspang. Parang ‘yung ulam lang namin kagabi na ampalaya. Kulu-kulubot na, pero hawak ko pa rin naman. Paborito ko kasi ‘yung ampalaya eh, lalo na kapag may itlog.
Malapit lang ang ekswelahan sa bahay namin kaya talagang nilalakad na lang namin ni mama. Konting lakad lang ‘yon, hindi ganon kalayo. Mas malayo pa ang pinapasukan ni mama. Dahil malapit sa eskwelahan ang paradahan ng traysikel, dun na rin siya sasakay papasok sa trabaho.
“Hoy, Caloy! Birthday ko ngayon!”
Si Caloy ‘yung kalaro ko tuwing hapon kapag pinapayagan ako ni mama na lumabas ng bahay. Mabilis ‘yan tumakbo. Nahihirapan akong tayain ‘yan kapag naghahabulan kami. Kaya kapag nauwi ako, nagagalit lagi sa’kin si mama. Bakit daw pawis na pawis ako.
Si Caloy kasi ang bilis tumakbo lagi. Hindi ko na lang siya sinumbong kay mama kasi baka mamaya ay paluin siya sa puwet. Magalit pa sa’kin nanay niya na sinumbong ko siya sa mama ko na ang bilis-bilis niyang tumakbo. Siguro nagpa-praktis ‘yan bago kami maglaro.
Pero mas magagalit siguro si mama kapag nagsumbong ako sa kanya na inaasar ako ni Caloy na wala raw akong tatay. Pero hindi ko pa rin s’ya isusumbong.
“Daan ka sa bahay mamaya! Laro tayo!”
Hinila na ako ni mama, siguro naisip niya na laro na naman ang nasa isip ko. Si mama naman, mamaya pa naman ‘yon eh. Tsaka birthday ko kaya ngayon. Kapag birthday, dapat naglalaro lang.
Alam ko na. Yayayain ko rin sina Jeng-jeng mamaya na maglaro sa recess. Dala ko naman lagi ‘yung chinese garter na ginagamit namin eh. Teka, nasa bag ko ba ‘yun? Ginamit kasi namin ‘yun kahapon eh. Baka naiwan ko sa bahay. Tignan ko nga muna sa bag ko. Ayun, andito nga.
Saglit, ano ‘tong nasa bag ko? Ang lamig! May Zest-o ako! Nilagay siguro ‘to ni mama habang naliligo ako kaya hindi ko nakita. Siguro kasi birthday ko ngayon, ang sarap uminom ng Zest-o na malamig. Pero mamaya ko na lang ‘to iinumin para kapag nag-chinese garter kami ay hindi agad ako mauuhaw. Alam na alam talaga ni mama ‘yung paborito ko.
Si Ma’am ‘yun ha. Adviser namin. Parang sinasalubong n’ya ako kasi birthday ko ngayon. Alam kaya n’ya?
“Good morning, Karen. Good morning, Mrs. Garcia.”
“Good morning, Mrs. Manzano!”
Hindi naman n’ya ako binati, eh. May quiz pa kami mamaya sa kan’ya. Tinulunganpa nga ako ni mama na mag-aral kagabi. Nagalit pa nga si mama kasi mali-mali lagi ang ispeling ko. Ewan ko ba, palaging akong nalilito sa ispeling. Si mama naman kasi, ang dali-dali ng binigay sa’kin na pangalan “Karen.”
Gusto ko ‘yung mahirap i-spell, katulad ng pangalan ni Kay-kay. Palayaw n’ya lang ‘yung Kay-Kay pero ‘yung tunay n’yang pangalan, mahirap talaga i-spell. Pati ‘yung kay Jeng-jeng, ang haba. Sabi ng teacher ko, tatlo raw pangalan niya. Ako, “Karen” lang. “Karen Garcia.” Tapos nalito pa talaga ako, nasanay kasi akong “Karen Concepcion.” Hindi tuloy ako nahihirapan mag-spell. Kaya, ayan hindi ako masyado natuto mag-ispel.
“Ba-bye, mama.”
Hinalikan ko na si mama sa pisngi n’ya, paalis na s’ya. Hindi n’ya pa rin ako binabati. Akala ko dito n’ya ako babatiin bago kami pumasok. Nakalimutan n’ya siguro. Dire-diretso lang si mama hanggang sa nakasakay na siya ng traysikel. Ako naman, nakatayo lang muna sa gate, baka kasi bumalik s’ya kasi nga birthday ko ngayon. Nakalimutan kaya niya?
Pumasok na talaga ako sa gate, nasalubong ko si Kay-kay na tumatakbo, sa ibang section kasi s’ya. Magkaklase sila ni Ging-ging, kami naman ni Jeng-jeng ang magkasama sa isang section.
“Kay, sabihin mo mamaya kay Ging-ging na laro tayo sa recess ha!”
“Ten-twenty kamo! Basta sabihin mo sa kan’ya ha.”
“Hintayin na lang namin kayo ni Jeng-jeng sa Narra.”
Ang bilis naman tumakbo ni Ging-ging, hindi pa nga ako tapos sa sinasabi ko. Hindi ko nga nasabi sa kan’yang birthday ko ngayon eh. Alam kaya n’ya? Kapag hindi n’ya ako binati, hindi ko s’ya bibigyan ng Zest-o ko.
Gusto ko na agad maglaro, ayoko na pumasok. Sana pumayag ‘yung teacher ko na libre na ako ngayong araw kasi birthday ko. Birthday ko na nga, mag-aaral pa rin ako? Buti na lang maglalaro kami nila Jeng-jeng mamayang recess. Gagalingan ko nga, baka kasi talunin nila ako. Birthday ko kaya.
Malapit na ako sa klasrum namin. Bakit parang wala pang tao? Ako lang ba ang nandito? Hindi sila lahat papasok? Sayang naman ang baon ko.
“Karen, lumipat na tayo ng klasrum. Hindi na tayo dito.”
Nagulat naman ako sa president naming, bigla na lang sumulpot. Nakalimutan ko kasi na lilipat nga pala kami kasi aayusin ‘yung elektrik fan sa room namin. Buti na lang at nagsabi ang mga magulang namin sa adviser namin na ayusin ang elektrik fan. Ang tagal na kasing sira n’un. Pawis na pawis kami lagi.
“Oo nga pala. Nakalimutan ko. Sige, sunod na ako dun!”
Umalis na rin ako kaagad para makapunta sa nilipatan naming klasrum. Malapit lang naman ‘yun pero kailangan ko nang magmadali, baka kasi pagalitan ako. Tatakbo na ako nang mabilis. Kita ko na rito ang klasrum. Ano ba naman ‘yang lilipatan naming room? Wala man lang bintana, siguradong pawisan na naman kami neto. Ayokong magbirthday na puro pawis, babaho ako n’yan.
Naku, baka mamaya ay nandyan na ang adviser namin sa loob. Siguradong papagalitan na naman ako. Late kasi ako. Sasabihin na naman n’ya na hindi ako nakikinig sa kanya. Nalimutan ko lang naman.
Para hindi ako pagalitan, dahan-dahan kong binuksan ang pinto nang…
“Happy Birthdaaaayy to youuu. Happy Birthdaaaayy to youuu.”
Nagkakantahan sila. Sina Jeng-jeng, Kay-kay, Ging-ging, pati ‘yung iba ko pang mga kaklase. Pati ‘yung mga teachers ko nandun din nakanta. Ang saya naman! Meron pang nakasulat sa board na “Happy Birthday Karen!” Parang si Jeng-jeng yata ang nagsulat, alam ko sulat nun eh. May mga lobo, may ispageti, tsaka ice cream dun sa lamesa ni ma’am. Ang dami ko naming bisita. Meron ding malalamig na Zest-o! Ang daming bata, parang hindi ko naman kaklase at kabigan ‘to lahat ha?
Tsaka… si mama ba ‘yun? May buhat-buhat na cake papunta sa’kin.
“Happy birthday, baby. Wish ka muna.”
Pumikit na muna ako bago na mag-wish.
Syempre katulad ng turo ni mama, nagdasal muna ako. Nagpasalamat muna ako kay Papa Jesus. Tapos nag-wish na ako. Hindi ko na sasabihin ‘yung wish ko. Secret lang. Niyakap ko na lang si mama nang mahigpit na mahigpit tapos hinalikan ko s’ya sa pisngi.
Si mama talaga!
* * * * *
Ang koleksyong ito ay lahok para sa Saranggola Awards (www.saranggola.org.ph) sa kategoryang KWENTONG PAMBATA.